-- ADVERTISEMENT --

Pinalalawak ng Department of Education (DepEd) ang mga hakbang nito sa pagsusulong ng mental health at pag-iwas sa bullying sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng programang Kaagapay, alinsunod sa direktiba ng administrasyon na tiyakin ang kapakanan ng mga mag-aaral at guro.

Bilang bahagi ng pagpapalawak, isinasama na ang mga magulang, tagapag-alaga, at caregivers bilang mga katuwang sa edukasyon upang mapalakas ang suportang nakukuha ng mga mag-aaral. Sa ilalim ng DepEd Memorandum No. 002, serye ng 2026, inaasahang tutulong ang mga pamilya sa pagpapatibay ng values formation, positibong disiplina, at pangkalahatang kagalingan ng mga mag-aaral sa elementarya at sekondarya. Magkakaroon din ng mga sesyon ng pakikipag-ugnayan upang magbahagi ng mabubuting gawi, magsagawa ng gabay na pagninilay, at magplano ng mga konkretong hakbang, kabilang ang mas maagang pagtukoy sa senyales ng distress o bullying.

Bagamat boluntaryo ang paglahok, tiniyak ng DepEd ang pangangalaga sa pribasiya at pag-iwas sa stigma. May nakalaang P100 milyon ang Kaagapay para sa pambansang implementasyon, kasabay ng pagpapatupad ng P2.9 bilyong School-Based Mental Health Program.