Posibleng magpatuloy hanggang Pebrero ang pagkalat ng flu-like illness sa bansa, na iniuugnay sa Subclade K ng Influenza A o tinatawag na “super flu.” Ayon sa World Health Organization, natukoy na ang naturang variant sa mahigit 34 na bansa, kabilang ang Pilipinas.
Ipinapakita ng lokal na datos na malaking bahagi ng mga naitalang A(H3N2) cases mula Enero hanggang Oktubre 2025 ay kabilang sa Subclade K, na may mga mutasyong maaaring nag-ambag sa mas mabilis na hawahan at pagtaas ng mga kaso ng pagkaka-ospital sa ilang bansa.
Sa kabila nito, nananatiling epektibo ang mga bakuna laban sa trangkaso sa pag-iwas sa malubhang sakit, lalo na sa mga bata. Nagpaalala rin ang Department of Health sa mga Pilipinong bibiyahe sa mga bansang may malamig na klima na magpabakuna gamit ang angkop na bakuna para sa northern hemisphere.
Patuloy namang hinihikayat ang publiko na sundin ang mga pangunahing hakbang pangkalusugan tulad ng pagbabakuna, pagsusuot ng face mask kapag may sintomas, at sapat na pahinga upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.













