-- ADVERTISEMENT --

Hinikayat ng International Criminal Court (ICC) ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) na tumestigo laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang panawagang ito ay ginawa habang iniimbestigahan ng mga tagausig ng ICC si Duterte kaugnay sa crimes against humanity.

“The Office is appealing for direct witnesses to these incidents, including members of the Philippine National Police and other law enforcement agencies who were involved in these incidents, to come forward and speak with members of the Office,” ayon sa pahayag ng ICC.

Nagbigay rin ang ICC ng isang online form kung saan maaaring ligtas na magsumite ng mga reklamo ang mga saksi.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaan na Marso 12, 2025, inaresto si Duterte sa Ninoy Aquino International Airport at dinala sa Villamor Air Base sa parehong araw. Mula noon, siya ay nakakulong na sa The Hague.

Isang reklamo laban kay Duterte ang inihain sa ICC noong Hunyo 2017. Noong Marso 2018, inanunsyo ni Duterte ang pag-atras ng Pilipinas mula sa Rome Statute, ang kasunduang nagtatag sa ICC.

Gayunman, naging epektibo lamang ang pag-atras makalipas ang isang taon, noong Marso 2019. Dahil dito, nanatili ang hurisdiksyon ng ICC sa mga diumano’y krimeng naganap sa Pilipinas mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019, noong kasapi pa ang bansa sa korte.

Si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, na nagsilbing hepe ng PNP sa panahon ng administrasyong Duterte, ay hindi pa muling lumilitaw sa publiko matapos ang mga ulat tungkol sa umano’y arrest warrant ng ICC laban sa kanya.

Ayon sa opisyal na datos ng gobyerno, hindi bababa sa 6,000 katao ang napatay sa giyera kontra droga sa ilalim ng administrasyong Duterte. Gayunman, tinataya ng mga human rights group at ng tagausig ng ICC na nasa pagitan ng 12,000 at 30,000 ang bilang ng mga nasawi mula 2016 hanggang 2019.