Isinusulong ni Cavite 2nd District Rep. Lani Mercado-Revilla ang House Bill 7300, o ang Social Media Accountability Act, na naglalayong lumikha ng isang oversight body upang matiyak ang transparency, responsibilidad, at kaligtasan sa social media.
Ang panukala ay magtatatag ng Social Media Accountability Council (SMAC) na kakabit sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at bubuo ng mga kinatawan mula sa DICT, National Privacy Commission, Department of Health, Department of Justice, Department of Trade and Industry, pati na rin mga eksperto mula sa akademya at civil society na nakatuon sa digital safety at proteksyon ng mga bata.
Magkakaroon ang SMAC ng kapangyarihang magtakda ng safety standards, magsiyasat ng paglabag, mag-utos ng corrective actions, at magpataw ng administrative penalties, kabilang ang multang hanggang PHP10 milyon kada paglabag at pagsuspinde o pag-disable ng mapanganib na features ng platform.
Layunin ng panukala na protektahan ang mga gumagamit, lalo na ang mga bata at vulnerable groups, mula sa potensyal na pinsala ng social media algorithms, nang hindi nilalabag ang karapatan sa malayang pagpapahayag.













