Umapela ang kampo ng dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pasya ng International Criminal Court na nagsasabing kaya pa niyang lumahok sa nakatakdang pre-trial hearing sa susunod na buwan. Iginiit ng depensa na hindi isinasaalang-alang ng ICC ang isang medical report na tumutukoy sa umano’y paglala ng kalusugan at kakayahang kognitibo ni Duterte, na dapat sana’y nakaapekto sa pagrepaso sa kanyang patuloy na detensyon.
Hiniling ng kampo ni Duterte ang pansamantalang paglaya habang dinidinig ang apela. Nauna nang itinakda ng ICC ang confirmation of charges hearing simula Pebrero 23 upang tukuyin kung sapat ang ebidensiya laban sa kanya. Siya ay nahaharap sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng mga pagpaslang na iniuugnay sa kampanya kontra droga.
Bagama’t iginiit ng depensa na may problema sa memorya ang dating pangulo na maaaring makaapekto sa kanyang partisipasyon sa pagdinig, hindi ito kinatigan ng mga hukom. Si Duterte ay inaresto sa Maynila noong Marso 11 at kasalukuyang nakakulong sa detention facility ng ICC sa Netherlands, matapos na una nang tanggihan ang kahilingan para sa maagang paglaya.













