Ipinagbigay-alam ng Ukraine na ibinalik ng Russia ang mga labi ng humigit-kumulang 1,000 sundalong Ukrainian sa pinakahuling palitan ng dalawang bansang sangkot sa digmaan. Bilang kapalit, 38 bangkay ng mga sundalong Ruso ang tinanggap ng Moscow.
Ang naturang palitan ay bahagi ng kasunduang nabuo sa negosasyon sa Istanbul noong 2025, na naglalayong ibalik ang libu-libong labi ng mga nasawing sundalo pati na ang mga may sakit, malubhang sugatan, at mga bihag na wala pang 25 taong gulang. Libu-libong bangkay na ang naipagpalitan ng magkabilang panig mula nang magsimula ang digmaan halos apat na taon na ang nakalilipas.
Samantala, nananatiling walang palitan ng mga bihag ng digmaan mula pa noong Oktubre 2025, habang patuloy ang sisihaan ng dalawang panig sa pagkaantala ng proseso. Sa kabila ng nagpapatuloy na negosasyon para sa posibleng kasunduang pangkapayapaan, hindi pa rin nareresolba ang mahahalagang isyu sa teritoryo, partikular sa rehiyon ng Donetsk.
Kasabay nito, nagpapatuloy ang mga opensibang militar ng magkabilang panig, kabilang ang mga pag-atake gamit ang drone. Naiulat na may mga sibilyang nasawi sa silangang bahagi ng Ukraine, habang pinalalakas ng Russia ang mga pag-atake sa mahahalagang imprastruktura, na nagdudulot ng kakulangan sa kuryente at init sa gitna ng malamig na panahon.













