KALIBO, Aklan—Nagsisilbing mahalagang hamon kung posible ba ang tunay na reporma laban sa sistematikong anomalya sa loob ng pamahalaan ang reklamong impeachment laban sa dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo, sinabi ni IBON foundation executive director Sonny Africa, maituring aniyang kritikal ang reklamo laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa mga budget mula 2023 hanggang 2025 na kaniyang nilagdaan na may pinakamalaking pondong nailaan sa imprastruktura at flood control projects na kinakamkam na umabot sa kabuuang trilyong piso.
Kung uusad umano ang reklamong impeachment laban kina President Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte ay hindi dapat ito ikahiya dahil nagpapakita lamang aniya ito na may pakialam ang mga mamamayan ng bansa at gumagalaw ang justice system.
Dagdag pa ni Africa, kung uusad ang impeachment sa Kongreso, maglalantad ito sa tunay na balanse at kapangyarihan sa lehislatura at sa kredibilidad ng sistemang pulitikal.
Binigyang-diin ni Africa na ang patuloy na presyur ng publiko para sa mas matibay na oversight, independent institusyon, at mas aktibong papel ng civil society dahil ang pananagutan aniya ay dapat magsisimula sa pinakamataas na antas ng pamahalaan.












