Ipinagpatuloy ng Project Investigation Task Force ng Independent Commission for Infrastructure (ICI-PITF) ang imbestigasyon nito at isinagawa ang ikalimang pulong noong Biyernes. Sa pagpupulong, tinalakay ang mga pinakahuling update kaugnay ng sinisiyasat na umano’y mga iregularidad sa 79 sa mahigit 400 flood control projects na kinasasangkutan ng 15 pangunahing kontratistang tinukoy ng Pangulo sa nakaraang State of the Nation Address.
Ang task force, na binubuo ng mga kinatawan mula sa Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group at National Bureau of Investigation, katuwang ang Department of Public Works and Highways, ay regular na nagpupulong upang tipunin at suriin ang mga datos, tukuyin ang mahahalagang isyu, at pag-aralan ang mga susunod na hakbang.
Saklaw ng imbestigasyon ang mga proyektong ipinatupad mula pa noong 2015. Ayon sa ICI-PITF, may mga naisulong nang hakbang, kabilang ang paghahain ng mga referral laban sa ilang indibidwal, kabilang ang mga opisyal ng gobyerno.













