-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan —  Pansamantalang sinuspinde ang lahat ng water-sports activities sa Isla ng Boracay, simula alas-8:00 kaninang umaga ng Huwebes,  Pebrero 5 dahil sa Tropical Storm Basyang, kung saan, nasa Storm Signal No. 1 ang buong Aklan.

Ito ay batay sa ipinalabas na abiso ng Philippine Coast Guard Aklan.

Sakop ng suspensyon ang sikat na island hopping, scuba diving, helmet diving, paraw at iba pa.

Samantala, patuloy ang operasyon ng mga motorbanca na bumibiyahe sa isla na inilipat sa alternatibong daan sa Tabon-Tambisaan port sa ilalim ng Memorandum Circular no. 02-10 o ang mga special areas na may maikling biyahe.

Subalit simula sunrise to sunset lamang ang operasyon at 50% ng pasahero ang pinapayagang makasakay. 

-- ADVERTISEMENT --

Ipinasiguro pa ng PCG na mag-iisyu ng karagdagang mga abiso sa pagbabalik ng aktibidad o sa posibleng extension ng suspensyon depende sa kondisyon ng panahon.

Sa kabilang daku, pinayuhan ang mga  mangingisda at pasahero na iwasan muna ang magpalaot hanggat hindi inaalis ang babala ng bagyo at maghintay ng dagdag na abiso mula sa mga awtoridad.