-- ADVERTISEMENT --

Pagkatapos ng kanyang Episcopal Ordination, Canonical Possession, at Solemn Installation, araw ng Huwebes, Abril 23, sa St. John the Baptist Cathedral, pormal na idineklara ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan si Bishop Cyril B. Villareal bilang “Son of the Province of Aklan,” bilang pagkilala sa kanyang habambuhay na dedikasyon sa pananampalataya, edukasyon, at paglilingkod sa publiko.

Sa pamamagitan ng Resolution No. 598-2026, na inakda ni Vice Governor Dexter Calizo at nagkakaisang inaprubahan ng lahat ng mga miyembro ng provincial board, ipinagmamalaki nila ang pagkakahirang kay Villareal bilang ika-limang obispo ng Diocese of Kalibo.

Ipinapakita rin ng resolusyon ang paniniwala ng lalawigan na ang mga lider ng pananampalataya tulad ni Villareal ay mahalagang katuwang sa pagpapanatili ng kapayapaan at paggabay sa mga komunidad sa gitna ng mga hamong panlipunan at pang-ekonomiya.

Enero 24, 2026 nang itinalaga ni Pope Leo XIV si dating Reverend Fr. Villareal  bilang bagong obispo ng Diocese of Kalibo na noon ay parish priest ng Saint Thomas of Villanova Parish sa Dao, Capiz.

Bago ang kanyang appointment, nagsilbi si Villareal sa iba’t ibang tungkulin sa Simbahan.

-- ADVERTISEMENT --

Naging formator at lecturer siya sa Sancta Maria, Mater Et Regina Seminarium sa Cagay, Roxas City.

Taong 2023 nang italaga siya bilang parish priest sa Dao. Siya ay naordinahan bilang pari para sa Archdiocese of Capiz noong 2001 at kalaunan ay nag-aral ng moral theology sa University of Vienna sa Austria.