KALIBO, Aklan — Pinagpapaliwanag ng lokal na pamahalaan ng Kalibo ang Smart Communications kaugnay ng madalas na pagkawala o paghina ng signal at internet service tuwing may power interruption o brownout sa bayan.
Sinabi ni Carla Suñer-Doromal, Executive Assistant I ng Office of the Mayor, nagpadala na umano ng pormal na sulat si Mayor Juris Sucro sa nasabing telecommunications company upang hingin ang paliwanag at agarang aksiyon sa mga reklamong natatanggap mula sa publiko at sektor ng negosyo.
Paliwanag ni Doromal, naaapektuhan ang operasyon ng mga negosyo, tanggapan at banko sa Kalibo tuwing nawawalan ng signal kasabay ng mga rotational power interruption.
Nais ding malaman ng LGU kung may nakahandang contingency plan ang Smart, gaya ng mga generator o backup power supply sa mga cell tower, upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo kahit may brownout.
Sa ngayon, hinihintay pa ng lokal na pamahalaan ang pormal na tugon ng Smart kaugnay ng isyu.













