KALIBO, Aklan — Nanawagan si Sangguniang Bayan Member Raymar Rebaldo ng kumpletong inventory sa mga materyales na nakuha mula sa pagdemolish o pagsasaayos ng Captain Gil Mijares Memorial Building, na dating ginamit bilang police station at kinokonsiderang bahagi ng cultural heritage ng Kalibo.
Sa pamamagitan ng isang resolusyon, hiniling ni Rebaldo sa Municipal General Services Office (GSO) na ilista ang mga nakuhang bakal, kahoy, yero, pinto, bintana at iba pang materyales, at isumite ang inventory report sa alkalde at Sangguniang Bayan.
Binigyang-diin din niya ang wastong pamamahala sa mga materyales at pagsunod sa mga kinakailangang dokumento, kabilang ang building permit, bago ipagpatuloy ang konstruksyon.
Nabatid na balak gawing museo ang naturang building na tatawaging National Museum of the Philippines–Kalibo, Aklan, na may nakalaang pondong ₱50 milyon.
Nauna dito, hiniling ng lokal na pamahalaan ng Kalibo sa Sangguniang Bayan na bigyan ng awtorisasyon upang lumagda sa kasunduan sa National Museum of the Philippines para sa pagtatatag ng satellite office sa bayan.













