KALIBO, Aklan—Kinilala at pinuri ni Acting Chief PNP P/Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang maagap na aksyon at mabilis na pagresponde ng dalawang PNP personnel ng Madalag Municipal Police Station matapos na masagip ang isang ginang sa tangka nitong pagpapatiwakal sa pamamagitan ng paglunod sa kaniyang sarili sa ilog na sakop ng Sitio Daguitan, Barangay Paningayan, Madalag, Aklan.
Alinsunod ito sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa makatao at malasakit na pagsisilbi sa bayan upang lahat ay makatiyak na nasa paligid lamang ang kapulisyahan na nakamonitor at nagbabantay sa taumbayan.
Kaugnay nito, ikinatuwa ni P/Lt. Amelinda Olandres, Deputy Chief of Police ng Madalag PNP Station ang hindi nila inaasahang pangyayari na mapansin ng acting PNP chief ang pagpapakita ng kabayanihan at pagmalasakit ng mga tauhan ng tanggapan ng pulisya dahil ginawa lamang ng mga ito ang nararapat at trabaho nila na matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Dahil sa naging maagap sina PMSgt. Edmond A. Olid at PSSgt. Sheryl N. Santillan sa pagresponde sa ginang ay nailigtas ito sa tangkang pagpapakamatay matapos na pumunta sa malalim na bahagi ng ilog upang lunurin sana ang kaniyang sarili.
Ngunit, hindi ito hinayaan ng dalawang pulis at nagpakita pa ang mga ito ng pagkahabag sa ginang sa kaniyang kalagayan, pinatatag ang kaniyang kalooban sa pamamagitan ng masinsinang pakikipag-usap, paglaan ng mahabang pasensya, malasakit at pag-uunawa matapos ang halos kalahating oras na pagsunod sa kaniya habang pilit nitong tinataboy ang dalawa upang maisakatuparan ang kaniyang plano.
Ang nasabing ginang ay residente ng Barangay Tigbauan, Madalag, Aklan, may asawa at apat na anak kung saan, naisipan nitong kitilin ang kaniyang sariling buhay dahil sa bigat ng kaniyang dinadalang problema.
Sa naging mensahe naman ni Acting Chief PNP P/Lt. Gen. Nartatez Jr., binigyang diin nito na ang ipinakita aniya na tapang at malasakit ng mga pulis ay repleksyon ng tunay na serbisyo-pulisya.
Hindi lamang sila maasahan sa pagpapatupad ng batas kundi tagapag-alaga rin ng buhay ng bawat isa.