KALIBO, Aklan—Maaaring maituring na mental health isyu ang adiksyon sa online gambling.
Ito ang inihayag ni Dr. Romeo Lorenzo, isang mental health expert sa interview ng Bombo Radyo Kalibo.
Aniya, ang mabilis na access sa online gambling ay malaking kontribusyon sa tumitinding problema ng adiksyon sa bansa.
Marami umanong indibidwal ang adik na sa pagsusugal kung kaya’t pati ang relasyon sa pamilya ay naaapektuhan.
Ang pagsusugal aniya ay isang gawain na nakakasira sa pag-uugali ng isang tao.
Ito ay nagiging dahilan ng stress, anxiety, depression, insomnia, at sakit ng ulo.
Dahil dito, sang-ayon siyang ibawal ito o i-regute.
Ang pahayag ni Dr. Lorenzo ay kasunod sa ginawang hakbang ng Malacañang na lubusang ipagbawal ang online gambling sa Pilipinas.
Paliwanag pa niya na ang adiksyon sa online na pagsusugal ay mabilis na kumakalat dahil sa kayang tumaya gamit ang mga smartphones dagdag pa ang maraming mga ads sa social media.
Payo ni Dr Lorenzo na habang kaya ay huwag nang subukan na maglaro ng online gambling upang maiwasan na ma adik .