KALIBO, Aklan — Pinuri ni Aklan 1st District Congressman Jess Marquez ang naging State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kahapon.
Para kay Marquez, natumbok ni Pangulong Marcos ang mga inaasahan niyang iulat sa bayan.
Komprehensibo aniya ang ulat at ang mga plano nito para sa bansa.
Hindi na umano isinali ng Pangulo sa kanyang ulat ang mga nagawa o naging accomplishment ng kanyang administrayon sa nagdaang tatlong taon panunungkulan sa halip ay binigyan nito ng importansiya ang mga kailangan pang gawin sa hinaharap.
Ang unang tatlong taon umano ng Pangulo ay maittuturing na learning stage o pag-aaral sa mga dapat gawin at ang natitirang taon sa kanyang termino ay implementasyon ng mga tugon sa pangangailangan ng mga kababayan para sa pagpapatuloy ng pag-unlad ng Bagong Pilipinas.
Samantala, sinabi pa ni Cong. Marquez na partikular na nagustuhan nito sa mga sinabi ng Pangulo na nakalinya rin sa kanyang mission at vision ay ang pagbibigay importansya sa edukasyon lalo na sa early childhood care, pagbibigay ng working updated laptops ng mga guro, smart TV sa mga classrooms, wifi sa bawat paaralan.
Pinuri rin ng kongresista ang “zero balance billing” ang lahat ng mga DOH hospitals kung saan sakop nito ang pagpapa-dialysis at pagpapagamot sa sakit sa puso.
Ikinatuwa rin ni Marquez ang pagbanggit ng Pangulo sa pagpaigting sa mga programa ng TESDA sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na pondo.
Umaasa siya na mabigyan ng pansin ang Waste to Energy bill na siya mismo ang nag-akda matapos na mabanggit ng Pangulo ang nangyaring malawakang pagbaha na may kaugnayan sa problema sa basura gayundin ang pagsulong nito sa mga renewable energy programs kagaya ng solar power, wind farm at iba pa.
Suportado umano niya ang mga plano ng Pangulo sa pagpapaunlad ng agrikultura at turismo .