-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Nagsimula nang magpatupad ng mga hakbang ang pamahalaang panlalawigan ng Aklan laban sa inaasahang epekto ng Very Strong El Niño.

Ipinag-utos ni Aklan Governor Jose Enrique Miraflores  sa pamamagitan ng Executive Order ang pagbuo ng Aklan El Niño Task Force upang pagtugmain ang mga hakbang laban sa posibleng epekto ng matinding tagtuyot.

Nailatag na rin umano ng nasabing lalawigan ang kanilang Contingency Plan para sa El Niño.

Pangungunahan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang task force, habang tututukan ng Agriculture Office ang pangangailangan ng mga magsasaka.

Magsasagawa naman ng pagbabantay sa mga tuyong damuhan ang Department of Environment and Natural Resources Office, katuwang ang Bureau of Fire Protection (BFP), upang maiwasan ang sunog.

-- ADVERTISEMENT --

Pinag-aaralan din ang pansamantalang pagpapahinto sa ilang hindi agarang proyektong pang-imprastraktura upang mailipat ang pondo sa pagbili ng mga kagamitang magagamit para sa seguridad sa pagkain at tubig, gaya ng mga water pump at water purification system.

Kabilang sa mga inaasahang epekto ng matinding El Niño ang kakulangan sa suplay ng tubig at kuryente, pagtaas ng mga kaso ng sakit gaya ng dengue, heat exhaustion at heat stroke, gayundin ang panganib ng sunog sa mga tuyong damuhan at kagubatan.

Nauna dito, itinaas ng Office of Civil Defense, sa pamamagitan ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council-6, ang alert status sa Western Visayas mula White Alert tungo sa Blue Alert bilang paghahanda sa lumalalang epekto ng El Niño.

Dahil dito, hinihikayat ang publiko na magtipid sa tubig at kuryente, mag-ipon ng tubig-ulan kung maaari, at manatiling nakasubaybay sa mga abiso ng mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.

Inaasahang mararamdaman ang pinakamalalang epekto ng tagtuyot simula Disyembre hanggang Pebrero o Marso, na posibleng magpatuloy hanggang Mayo.