-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, AKLAN — Nagpalabas si Aklan Governor Jose Enrique M. Miraflores ng Executive Order No. 069, Series of 2026, na nagtatakda ng pansamantalang reference prices para sa buhay na baboy at karne ng baboy sa lalawigan.

Batay sa kautusan, itinakda ang inirerekomendang farmgate price ng buhay na baboy sa ₱180 kada kilo, ₱285 kada kilo para sa wholesale carcass at ₱300 kada kilo para sa retail pork.

Ipinagbabawal din sa ilalim ng kautusan ang mga hindi makatarungang gawain sa pagbebenta, kabilang ang paggamit ng hindi calibrated o minanipulang timbangan, hindi awtorisadong pagbabawas sa timbang, manipulasyon sa presyo, kartel at pamimilit sa pagbili.

Hinimok ang mga hog raiser, trader, vendor at konsyumer na ireport sa kani-kanilang Municipal Agriculture Office o sa Office of the Provincial Veterinarian ang anumang dokumentadong reklamo hinggil sa pandaraya at hindi makatarungang mga gawain sa negosyo upang mabigyan ito ng kaukulang aksyon.