-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Bubuo ng Special Investigation Task Force ang Aklan Police Provincial Office  (APPO) na tututok sa imbestigasyon sa pagpatay sa beteranong journalist na si Juan “Johnny” Dayang.

Ayon sa pulisya, nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon upang matukoy kung sino ang nasa likod ng pagpatay at ano ang motibo ng mga ito.

Nabatid na habang nanunuod ng telebisyon sa loob ng kanyang bahay ang 89 anyos na mamamahayag nang isang hindi kilalang lalaki lulan ng motorsiklo ang lumapit umano sa kanilang gate at pinaputukan ito ng makailang ulit.

-- ADVERTISEMENT --

Tatlong putok ng baril ang narinig ng kanyang mga kasamahan sa bahay.

Nangyari ang insidente pasado alas-8:00 ng gabi ng Martes,  Abril 29 sa Villa Salvacion, Brgy. Andagao, Kalibo.

Naisugod pa sa ospital ang biktima, subalit idineklarang dead on arrival.

Nagtamo ng isang tama ng bala sa kanyang  leeg at dalawa sa likod si Dayang mula sa 9mm na baril.  

Samantala, tiniyak ng APPO na mabibigyan ng hustiya ang pag-atake sa isang miyembro ng media.

Si Dayang ay naging matagal nang pangulo ng Publishers Association of the Philippines (PAPI). Maliban dito, naging pangulo rin siya ng Manila Overseas Press Club at director at board secretary ng National Press Club.

Naging peryodista ng ilang pahayagan sa bansa at naging publisher ng Philippine Graphic Magazine.

Naging interim mayor rin siya noong panahon ng 1986 People Power revolution.