KALIBO, Aklan — Wala nang magagawa si Aklan Vice Governor Dexter Calizo kundi tanggapin ang irrevocable resignation ni Aklan 2nd district board member Jose Ceciron Lorenzo Haresco dahil umano sa personal na isyu at commitment sa pamilya na mahirap isantabi.
Ayon sa bise gobernador na noong nakaraang linggo pumunta sa kanyang tanggapan si Haresco para personal na ibigay ang kanyang sulat.
Idinagdag ni Calizo na bilang presiding officer ay nabigla siya, subalit nirerespeto nila ang pagbibitiw nito sa pwesto dahil wala naman itong kinalaman sa kanyang trabaho bilang provincial board member.
Sinabi pa ni Vice Governor Calizo na bago ang pagbibitiw ni Haresco ay hindi umano ito lumiban sa kanilang isinagawang mga session sa Sangguniang Panlalawigan.
Ipinaramdam aniya nila sa bagitong board member na hindi siya iba at bahagi ng kanilang mga aktibidad dahil tapos na ang eleksyon.
Sa kabilang daku, dahil nakalagay na sa official record ng journal of proceedings ng 4th Regular Session ng 20th Sangguniang Panlalawigan ang kanyang pagresign sa pwesto, hapon ng Miyerkules, Agosto 6 na binasa ni SP Member Apolinar Cleope sa plenaryo, hinihintay na lamang nila ang sagot ng kanyang political party na Nasyonalista Party kung sino ang hahalili sa nabakante nitong posisyon.
Ipinasiguro naman nito sa publiko na hindi maapektuhan ang kanilang trabaho dahil sa nangyari.
Nabatid na ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan na may nag-resign na miyembro nila.
Pagkatapos makapagsumite ng kanyang resignation ay dumeretso umano si Haresco kay Aklan Governor Jose Enrique Miraflores.
Matatandaan na nanalo si Haresco noong nakaraang May 12, 2025 Midterm Election bilang miyembro ng Sangguniang Panlalwigan 2nd district ng Aklan na nakakuha ng may pinakamataas na boto na 92,199.
Nakatakda pa sanang magtapos ang kanyang unang termino sa 2028.
Sa naturang eleksyon, natalo ang kanyang amang si dating Aklan 2nd district Congressman Teodorico “Ted” Haresco laban kay Cong. Joven Miraflores.