Naghahanda ang Pamahalaang Panlalawigan ng Albay para sa posibleng pagbabago sa alert level ng Bulkang Mayon, sa kabila ng pananatili nito sa kasalukuyang antas.
Ayon sa pamunuan ng lalawigan sa pangunguna ni Governor Noel Rosal, may nakahandang contingency plans sakaling itaas sa Alert Level 4 ang bulkan, na mangangailangan ng paglikas ng mahigit 70,000 residente mula sa mga high-risk area. Bahagi ng paghahanda ang agarang pagkukumpuni at pagsasaayos ng mga evacuation center upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng mga posibleng evacuees.
Binigyang-diin din ng pamahalaang panlalawigan ang maayos at responsableng paggamit ng Calamity Fund para sa agarang pagtugon sa pangangailangan ng mga maaapektuhan. Samantala, tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang sapat na suplay ng food packs na tatagal ng hanggang anim na buwan.
Sa panig ng DOST-PHIVOLCS, wala pang nakikitang batayan upang itaas ang alert level sa Alert Level 4 dahil sa kawalan ng malaking paglala sa aktibidad ng Bulkang Mayon, bagama’t patuloy ang masusing pagbabantay at pagsusuri sa kalagayan nito.













