Hindi pa inaasahang itataas sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon sa ngayon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Batay sa monitoring ng ahensya, naitala ang 43 insidente ng rockfall mula Enero 1 hanggang Enero 2, bahagyang mas mababa kumpara sa naitalang 47 rockfall sa naunang araw. Gayunman, patuloy pa ring binabantayan ang bulkan dahil sa pagdami ng aktibidad nito.
Kamakailan ay itinaas ng PHIVOLCS ang alert status ng Mayon mula Level 1 patungong Level 2 bunsod ng pagtaas ng bilang ng rockfall events at patuloy na pamamaga ng katawan ng bulkan. Iniuugnay ang mga rockfall sa pag-angat ng mainit na materyales sa loob ng bulkan na nagdudulot ng kawalan ng katatagan sa tuktok at mga lumang lava deposits.
Ayon sa PHIVOLCS, ang ganitong aktibidad ay palatandaan ng internal unrest at maaaring magresulta sa mas madalas na rockfall at posibleng pagbuo ng pyroclastic density currents, kaya’t patuloy ang araw-araw na pagsusuri sa sitwasyon ng bulkan.













