KALIBO, Aklan — Anim na bayan sa Aklan ang may kumpirmadong kaso ng African Swine Fever (ASF), ayon kay Engr. Jun Agravante, presidente ng Livestock, Hog and Poultry Association sa probinsya.
Ito umano ay batay sa impormasyon ng Office of the Provincial Veterinarian (OPVET) Aklan.
Gayunman, hindi muna pinangalanan ang mga bayang apektado ng sakit. Patuloy na hinihigpitan ang pagpapatupad ng mga biosecurity measure upang mapigilan ang pagkalat ng ASF. Tiniyak naman ni Agravante na wala pang kakulangan sa suplay ng baboy sa buong probinsya.
Posibleng buksan ang mga border para sa pagpasok ng mga baboy sa nalalapit na Pasko at Bagong Taon sakaling magkaroon ng kakulangan sa suplay. Gayunman, magiging kontrolado ang pagpasok ng mga ito at kinakailangang kumpleto ang mga permit at iba pang dokumento bago payagang makapasok sa probinsya.
Una nang inilabas ng pamahalaang panlalawigan ang Executive Order No. 069, o Aklan Provincial Temporary Live Hog and Pork Reference Price and Fair-Trade Order of 2026, na nagtatakda ng pansamantalang reference price na ₱180 kada kilo para sa buhay na baboy sa farmgate, ₱285 kada kilo para sa wholesale carcass at ₱300 kada kilo para sa retail pork.
Layunin ng kautusan na maprotektahan ang kabuhayan ng mga nag-aalaga ng baboy at matiyak ang patas na kalakalan sa gitna ng epekto ng ASF at pagtaas ng gastos sa produksyon. Susuriin naman kada tatlong buwan ang mga itinakdang presyo.













