Nagsampa ng mga kasong kriminal si Eduardo Año, National Security Adviser (NSA), laban sa 18 dating Marines, abogadong si Levito Baligod, at dating kongresistang si Mike Defensor dahil sa umano’y pag-uugnay sa kanya sa isyu ng pamamahagi ng pera sa ilang opisyal ng pamahalaan.
Inihain ang mga reklamo sa Department of Justice kaugnay ng cybercrime at ilegal na publikasyon at pahayag. Ayon kay Año, ikinagulat at ikinagalit niya ang aniya’y malisyosong paratang laban sa kanya.
Dagdag pa ng opisyal, magsasampa rin siya ng kasong cyber libel at perjury laban sa mga respondent, lalo na’t isinama umano ang kanyang pangalan sa isang pirmadong affidavit na iginiit niyang gawa-gawa lamang at walang katotohanan.
Iginiit ni Año na sa buong panunungkulan niya—mula sa pagiging hepe ng Armed Forces hanggang sa pagseserbisyo sa iba’t ibang administrasyon—ay nanatili siyang propesyonal at tapat sa bayan. Binigyang-diin din niyang hindi siya sangkot sa pulitika at wala siyang planong tumakbo sa anumang halal na posisyon, sapagkat layunin lamang niyang makapaglingkod at makatulong sa mga Pilipino.













