Umaasa si Senadora Risa Hontiveros na maipapasa ang panukalang Anti-Political Dynasty Act bago matapos ang kasalukuyang sesyon ng Kongreso, kasunod ng serye ng public consultations sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Pinagsasama-sama na ng komite ang mga suhestiyon at rekomendasyong nakalap mula sa mga konsultasyon sa Pasig, Calamba, Bacolod at Bulacan bilang bahagi ng committee report. Target ng komite na maisulong ang panukala bago matapos ang sesyon o sa huling bahagi ng Marso.
Ilan sa mga isyung tinatalakay ay ang saklaw ng antas ng pagkakamag-anak na ipagbabawal, kung kasama ang parehong pambansa at lokal na posisyon, pati ang pagtrato sa party-list seats at kung ipatutupad ang pagbabawal sa magkasunod o sabayang paghawak ng posisyon.
Bagama’t itinutulak ng panukala ang pagbabawal hanggang ikaapat na antas ng pagkakamag-anak, layunin ng komite na makabuo ng isang makabuluhan at maipapatupad na batas, na maaari pang palakasin sa mga susunod na sesyon batay sa magiging implementasyon nito.













