KALIBO, Aklan — Mahigpit nang babantayan ang mga pampublikong sasakyan na may nagsisiksikan nga pasahero.
Ayon kay Engr. Marlon Velez, hepe ng Land Transportation Office (LTO)-Aklan na matagal nang ipinapatupad ang “anti-sardinas policy”, ngunit muli itong pinalakas dulot ng mga natatanggap na reklamo ng kanilang tanggapan at sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Mas pinaigting aniya ang kampanya laban sa mga driver na lumalabag sa patakaran ng no-overloading o pagbawal sa pagpasakay ng sobra-sobrang pasahero.
Dagdag pa na peligroso rin ang naturang gawain sa road safety.
Aminado rin si Engr. Velez na medyu may kahirapan ang pag-commute lalo na sa mga umuuwi sa mga malalayong bayan na kaunti lamang ang mga bumibiyaheng jeepney o buses, subalit kailangan nilang ipatupad ang patakaran na makapagbibigay ng mas ligtas at komportableng biyahe.
Mahigpit aniya nilang babantayan ang mga pampublikong sasakyan na nagpapasakay pa rin ng mga pasaherong nakatayo na nagiging sanhi ng pagsisiksikan at sobrang kapasidad.
Ang mga violators umano ay may karampatang multa.
Kasabay nito, hinihikayat niya ang publiko na i-report sa kanilang tanggapan ang mga lumalabag.
Dapat umanong unahin ang kaligtasan bago ang kita at umaasang siyang ang patakaran ang magiging hakbang patungo sa mas maayos na pampublikong transportasyon sa bansa.