KALIBO, Aklan — Kapwa napili ng lokal na pamahalaan ng Aklan at Kalibo ang Ati-Atihan inspired na exterior at interior design para sa Kalibo International Airport.
Ito ang sinabi ni Carla Suñer Doromal, Executive Assistant to the Office of the Municipal Mayor ng LGU Kalibo kasunod ng pagdalo nina Aklan Governor Joen Miraflores at Kalibo Mayor Juris Sucro sa isinagawang consultative meeting kasama ang mga kinatawan ng Department of Transportation (DOTr) at United International Consultants Inc. (UICI), kung saan ipinakita ang mga proposed design.
Ayon sa kanya na naging highlight ng pulong ang kasunduan sa proposed design scheme ng paliparan at ang commitment na isasama dito ang sustainability principles at ang green building strategy.
Aniya napili ang Ati-Atihan festival na itinuturing ng mga locals bilang “Mother of all Philippine Festivals” dahil sumisimbolo ito ng kahalagahan ng kasaysayan at ekonomiya ng probinsiya.
Nabatid na noong nakaraang taon ay naglaan ang Department of Transportation ng nasa P81.73 milyon para sa pagpapagawa ng detalyadong engineering design ng mga airport projects sa Aklan at Cotabato, bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan na lalo pang mapalakas ang connectivity sa mga rehiyon.
Para sa consultancy service contract na nagkakahalaga ng P59.65 milyon para sa Kalibo International airport, ang mananalong bidder ay magkakaroon ng 12 buwan upang matapos ang proyekto.
Ang napiling partner ay may obligasyon na maghanda ng airport master plan para sa medium at long-term development ng Kalibo gateway.
Ito ay kinabibilangan ng basic design, project cost estimates at traffic demand analysis.
Ang rehabilitasyon umano ng Kalibo International Airport ay naglalayong muling mapalakas ang itinuturing na isa sa mga gateway o daan papuntang sikat na Isla ng Boracay.
Subalit, sinabi ni Doromal na ang meeting ay naka-focus lamang sa design at hindi natalakay ang isyu kaugnay sa bumabang bilang mga flights sa paliparan.
Ang KIA ay dating tumatanggap ng mga international flight mula sa Taipei, Seoul, Busan, Shanghai, Chengdu, Beijing, Hong Kong, Singapore, at Kuala Lumpur.