BORACAY, Aklan — Hindi na naisalba pa ang buhay ng isang pasahero ng cruise ship na dumaong sa isla ng Boracay, araw ng Miyerkules, Nobyembre 6 matapos na malunod-patay nang maligo ito kasama ang kaniyang maybahay at iba pang bisita sa baybayin ng nasabing isla.
Ayon kay Esel Flores, Caticlan Jetty Port Administrator, inatake sa puso ang 71-anyos na biktimang Australian citizen habang naliligo sa hindi naman kalaliman na tubig-dagat nang bumaba ang mga ito sa MS Noordam of Holland America Line na isa sa apat na cruise ship na bibisita sa Boracay bago matapos ang kasalukuyang taon.
Nilinaw naman ni Flores, sa oras na makababa ang mga ito ng passenger ship wala na aniyang kontrol sa kanila ang mga awtoridad sa kung anuman ang kanilang gagawin sa isla upang masulit ang pansamantala nilang pamamalagi sa Boracay.
Sakay ng nasabing cruise ship ang nasa 1,900 na pasahero at ilang daan na crew members kung saan, karamihan sa mga ito ay bumaba ng ship upang maglibot sa isla at ilang oras lamang ang kanilang itinagal agad naman umalis papunta sa iba pa nilang destinasyon.
Sa kabilang dako, namamayagpag pa rin ang tourist arrival sa nasabing isla kung saan, nakatala ang Malay Tourism Office ng kabuuang 145,021 na bilang ng mga turista na bumisita sa Boracay kung saan, kinabibilangan ito ng domestic tourist na 118,008; overseas Filipinos na may 1,295 at foreign tourist na umabot sa 25,718.