-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Hawak na ngayon ng Buruanga Municipal Police Station at nahaharap sa kasong robbery ang isang babaeng job order employee na  itinuturong suspek sa pagnanakaw ng pera mula sa tax collection ng lokal na pamahalaan ng Buruanga, Aklan, madaling araw ng Huwebes, Enero 2, 2025.

Ito’y matapos na sumuko sa pulisya ang suspek nga hindi na pinangalanan.

Ayon kay P/Lt. Rossine Mina, deputy chief of police ng Buruanga MPS kusang sumuko ang suspek matapos umano itong makonsensiya at makaramdam ng takot dahil sa nagawang krimen. 

Magugunitang mag-isang pinasok ng suspek ang treasurer’s office ng munisipyo at nilimas ang perang nasa P340,000 na nakalagay sa loob ng drawer.

-- ADVERTISEMENT --

Ngunit,  kulang na ng mahigit sa P30,000 nang isinauli niya ang pera.

Sinasabing problema diumano  sa pera ang nagtulak sa suspek upang magnakaw na halos ilang buwan pa lamang na nagtatrabaho sa naturang tanggapan.

Sa kuha ng CCTV, dumaan sa sliding window ang suspek na hindi masyadong nakita ang mukha dahil sa nakatabong damit.

Nabatid na bago tumakas ay sinira nito ang mga wiring ng lahat ng security camera at TV monitor ng CCTV room ng munisipyo.

Halatang babae umano ang salarin dahil mahinhin ang pagkilos.