-- ADVERTISEMENT --

Ipinahayag ni bagong talagang Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Vince Dizon na agad na pagbabawalan habangbuhay ang mga kontratistang mapapatunayang sangkot sa mga ghost projects at substandard na proyekto ng gobyerno.

Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ni Dizon na may basbas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang desisyong ito, at hindi na dadaan sa imbestigasyon ang mga kumpanyang masasangkot—agad silang ilalagay sa blacklist.

Ayon kay Dizon, magtatatag rin ng isang independenteng komisyon ang Pangulo upang magsagawa ng imbestigasyon at magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga empleyado ng DPWH, mga kontratista, at iba pang sangkot sa mga ilegal na proyekto, partikular sa mga flood control programs.

Si Dizon ay pormal na nanumpa bilang bagong kalihim ng DPWH kapalit ni dating Secretary Manuel Bonoan na nagbitiw sa puwesto. Bago ang kanyang pagkakatalaga, pansamantala siyang namuno sa Department of Transportation.

Kaugnay nito, inaasahan ang malaking balasahan sa loob ng ahensya kasunod ng kontrobersya sa mga natuklasang maanomalyang proyekto sa imprastruktura.

-- ADVERTISEMENT --