Naging ganap na tropical depression ang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at pinangalanang Huaning.
Ayon sa pinakahuling bulletin ng PAGASA, namataan ang sentro ng Huaning sa layong 520 km silangan-hilagang silangan ng Itbayat, Batanes, taglay ang lakas ng hangin na 45 km/h at bugso hanggang 55 km/h. Kumikilos ito pa-hilagang kanluran sa bilis na 10 km/h.
Wala pang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal.
Ayon sa PAGASA, “Unlikely na direktang makaapekto ang Huaning sa bansa sa susunod na 48 oras.” Gayunman, maulap na papawirin na may kalat-kalat na ulan at pagkidlat-pagkulog ang mararanasan sa Ilocos Region, Zambales, at Bataan dahil sa trough nito. Posibleng magdulot ito ng flash floods o landslide.
Katamtamang taas ng alon na aabot sa 2.0 metro ang mararanasan sa hilaga at kanlurang baybayin ng Luzon. Pinayuhan ng PAGASA ang mga maliliit na sasakyang-dagat na mag-ingat at iwasang pumalaot.
Inaasahang kikilos ang Huaning pa-hilaga patungong Ryukyu Islands sa Japan at lalabas ng PAR sa pagitan ng Lunes ng gabi at Martes ng umaga.
Samantala, magdadala rin ang Habagat ng mga panaka-nakang pag-ulan at pagkulog sa Palawan at ilang bahagi ng bansa, na maaaring magdulot ng pagbaha o pagguho ng lupa.