-- ADVERTISEMENT --

HEALTH News — Muling ipinatupad ng Department of Health (DOH) Region 6, katuwang ang Department of Education (DepEd) at mga lokal na pamahalaan, ang School-Based Immunization (SBI) Program upang mabakunahan ang higit 185,000 mag-aaral laban sa mga sakit na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng bakuna.

Isinasagawa ang kampanyang “Bakuna Eskwela” sa 2,877 paaralan sa rehiyon, na pansamantalang nahinto noong pandemya. Target nito ang mga mag-aaral sa Grade 1, Grade 4 (mga batang babae), at Grade 7.

Kabilang sa mga bakunang ibinibigay ay measles-rubella (MR) at tetanus-diphtheria (TD) para sa Grade 1 at Grade 7 learners, habang ang human papillomavirus (HPV) vaccine ay para sa Grade 4 girls upang maprotektahan laban sa cervical cancer.

Pinakamataas ang bilang ng target na mag-aaral sa Iloilo Province, sinundan ng Antique, Capiz, Aklan, Guimaras, at mga lungsod ng Roxas, Iloilo, at Passi.

Sinimulan na ang pagbabakuna, at patuloy ang pagkalap ng datos ng mga naturukan. Tiniyak ng DOH ang kaligtasan ng mga bakuna at hinikayat ang pakikiisa ng mga magulang. Layunin ng programa na palakasin ang kalusugan ng mga mag-aaral at ang community immunity ng rehiyon.

-- ADVERTISEMENT --