NUMANCIA, Aklan — Kung ang ibang lugar sa bansa ay pawang reklamo kaugnay sa kanilang palpak na mga flood control projects, kabaliktaran naman ito sa mga taga-Barangay Pusiw sa bayan ng Numancia, Aklan.
Ito ay dahil sa kanilang pasasalamat sa pamahalaan sa ginawang revetment wall na umano’y naglayo sa kanilang lugar mula sa baha.
Ayon kay Punong Barangay Allan Rose ng naturang lugar na sa lumipas na halos dalawang taon at kahit ilang bagyo na ang tumama sa bansa, hindi na tumaas ang tubig sa kanilang barangay.
Aniya, batay sa record ng Department of Public Works and Highways (DPWH-Aklan), natapos ang 90 linear meters na flood control structure sa nasabing lugar noong 2024 makalipas ang halos isang taong construction.
Ito ay bilang bahagi ng pangako ng ahensiya na magtatayo ng mga climate-resilient communities.
Sa pag-usisa ng News team ng Bombo Radyo Kalibo, isa ang revetment wall sa Brgy. Pusiw sa listahan ng lahat ng flood control projects sa Aklan sa nakalipas na tatlong taon sa ilalim ng termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na puntirya ngayon ng imbestigasyon dahil sa umano’y talamak na korapsyon.
Sinabi pa ni Kapitan Rose na wala silang nakikitang problema sa ginawang istraktura dahil hanggang sa ngayon ay maayos ito at walang anumang sira.
Samantala, isa pa umano sa kanilang pinapasasalamatan ay ang nagpapatuloy na construction ng kanilang Barangay Hall na malaking tulong sa kanilang mga mamamayan.