BATAN, Aklan — May ilang mahahalagang dokumento pang kailangang isumite bago tuluyang maaprubahan ang 2026 General Fund Budget ng Bayan ng Batan. Kabilang dito ang Comprehensive Development Plan (CDP), Local Development Investment Program (LDIP) at Annual Investment Plan (AIP).
Ito ang inihayag ni Sangguniang Bayan Member Eric Del Rosario ng Batan.
Ipinaliwanag ni Del Rosario na nag-expire na noong 2025 ang LDIP na ginamit ng munisipyo bilang batayan sa mga nakaraang proyekto. Dahil dito, kinakailangang bumuo ang Municipal Development Council (MDC) ng panibagong three-year investment program para sa taong 2026 hanggang 2028.
Dagdag pa niya, in-adopt ng Sangguniang Bayan ang AIP sa kondisyong magsusumite ang executive department ng updated LDIP.
Ayon kay Del Rosario, responsibilidad ng alkalde na pangunahan ang paghahanda ng budget at pagtitipon sa mga miyembro ng MDC upang mabuo ang bagong investment program.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangang isa-isang tukuyin ang mga paggagamitan ng 20 percent Development Fund batay sa mga prayoridad na proyekto ng lokal na pamahalaan. Kabilang dito ang social services, infrastructure, economic development at mga programang may kaugnayan sa disaster preparedness at response, sa halip na ilaan ito bilang lump-sum allocation.
Samantala, nagsagawa rin ang Committee on Appropriations ng hearing kaugnay sa komposisyon at legalidad ng mga miyembro ng MDC, partikular na sa mga kinatawan ng Civil Society Organizations (CSO).
Sa kabila nito, tiniyak ni Del Rosario na handa ang Sangguniang Bayan na repasuhin at aprubahan ang bagong LDIP sa sandaling maisumite ito sa konseho upang hindi na lalong maantala ang proseso ng pag-apruba sa 2026 budget.
Binigyang-diin din ng konsehal na dapat iwasan ang pamumulitika sa proseso dahil ang pangunahing layunin nito ay matiyak na magagamit ang pondo ng munisipyo para sa mga serbisyong tunay na makikinabang ang mga residente ng Batan.













