HEALTH News — Dumarami ang kaso ng altapresyon sa mga kabataan, partikular sa mga naninirahan sa lungsod, ayon sa isang cardiologist sa forum sa Cebu City.
Iniuugnay ang pagtaas ng kaso sa paninigarilyo, labis na pag-inom ng alak, kape at matatamis na inumin, stress, night shift, obesity, at kakulangan sa ehersisyo. May mga pasyente na nasa kanilang 20s pa lamang ngunit may mataas na presyon na.
Batay sa datos ng World Health Organization, umakyat sa 16.8 milyon ang mga Pilipinong may hypertension noong 2024 mula mas mababa sa 10 milyon noong 2000, at inaasahang aabot sa 20 milyon pagsapit ng 2030. Gayunman, 19% lamang ang may kontrol sa kanilang kondisyon.
Binigyang-diin na kadalasang walang sintomas ang hypertension at natutuklasan lamang kapag may komplikasyon na gaya ng stroke at atake sa puso. Nagbabala rin laban sa pag-inom ng supplements kapalit ng maintenance na gamot dahil maaaring magdulot ito ng panganib sa kalusugan.












