Nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi sa paglubog ng passenger ferry na MV Trisha Kerstin 3 matapos makarekober ang mga technical diver ng Philippine Coast Guard (PCG) ng isa pang bangkay sa loob ng lumubog na barko sa karagatan malapit sa Baluk-Baluk Island, Basilan.
Sa pinagsamang tala ng mga awtoridad, umabot na sa 58 ang kumpirmadong patay, may 293 na nakaligtas, at 21 katao pa ang nawawala. Patuloy ang araw-araw na search and rescue operations ng PCG at iba pang ahensya.
Samantala, naghain ang Department of Transportation ng mga kasong administratibo at kriminal laban sa Aleson Shipping Lines at ilang opisyal ng pamahalaan kaugnay ng insidente. Lumabas sa imbestigasyon na pinayagang bumiyahe ang barko sa kabila ng mga kakulangan sa safety compliance at seaworthiness certification.













