Tumaas sa 2.19 milyon ang bilang ng overseas Filipino workers (OFWs) noong 2024, mula 2.16 milyon noong 2023, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Karamihan o 97.9% ng OFWs ay may umiiral na kontrata, habang 2.1% ang nagtatrabaho nang walang work permit o gamit ang ibang non-immigrant visa.
Mas maraming babae ang OFWs, na umabot sa 1.25 milyon o 57.2% noong 2024, mula 1.20 milyon o 55.6% noong 2023. Halos 44% ng mga OFWs ay nasa “elementary occupations,” sinundan ng plant and machine operators at assemblers (15.4%), at service at sales workers (12.7%).
Pinakamalaking bahagi ng OFWs ay mula sa CALABARZON (20.5%), sinundan ng Central Luzon (11.3%) at Western Visayas (9.5%). Nanatiling Asya ang pangunahing destinasyon ng 74.5% ng mga OFWs, pangunahin ang Saudi Arabia (21.9%) at UAE (12.4%).
Umabot sa P262.2 bilyon ang kabuuang remittances noong 2024, kung saan P214.31 bilyon ay cash remittances. Ang karaniwang halagang ipinadala ng isang OFW ay P129,000, mas mataas kumpara sa P123,000 noong 2023.













