-- ADVERTISEMENT --

Hindi nalusutan ng isang binatang criminology student ang karumal-dumal na krimen laban sa sariling pamilya matapos ang apat na buwang pagtatago.

Nadakip ito sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad kaugnay ng kasong pagpatay sa kanyang mga magulang at kapatid noong Biyernes sa Malaybalay City.

Kinumpirma ni Bukidnon Police Provincial Director PCol. Jovit Culaway ang pagkakadakip sa suspek na si John Kyler Labora Andohon, 23, pasado alas-11 ng umaga sa dati nitong tinutuluyang boarding house sa Purok 4, Barangay 1, Malaybalay City.

Batay sa report, bandang 11:00 a.m. ng Setyembre 12, 2025, nadakip ang suspek sa kanyang boarding house sa Purok 4, Barangay 1 ng nabanggit na lungsod.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaan na noong Mayo 21, 2025, minasaker ang kanyang ama na si Cocoy, 50, ina na si Vangie, 48, at kapatid na si Ivan, 15, sa loob ng kanilang bahay sa nasabing lugar.

Lumabas sa pagsisiyasat ng mga awtoridad na namatay ang mag-asawa at anak matapos hatawin ng maso at bakal na tubo sa ulo at iba’t ibang parte ng katawan, at isinagawa ang krimen habang sila ay natutulog.

Nakaligtas naman ang dalawang nakababatang kapatid ng suspek na ngayon ay nasa pangangalaga ng kanilang mga kaanak.

Ayon kay PMS Michael Bryan Lauron, imbestigador ng Malaybalay Police Station, noong 2023 pa huminto sa pag-aaral ang suspek sa kursong Criminology.

Kwento ng ilang kaanak, nalulong umano sa bisyo ang suspek hanggang sa nawala na ito sa tamang pag-iisip.

Nakakulong na ngayon sa lock-up cell ng Malaybalay PNP ang suspek at nahaharap sa kasong murder at dalawang kasong parricide.