-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ni Senate Blue Ribbon Committee Chairperson Panfilo “Ping” Lacson na nananatiling may bigat ang affidavit ni Orly Guteza kaugnay ng umano’y flood control anomaly, kahit pa itinanggi ng isang abogada na siya ang nag-notaryo at lumagda rito.

Ayon kay Lacson, ang nilalaman ng salaysay ang dapat isaalang-alang dahil maaari itong magsilbing ebidensya laban sa mga dawit kung ito’y makukumpirma.

Si Guteza, na nagsabing dating security consultant ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co, ay naglahad sa pagdinig tungkol sa umano’y paglilipat ng bilyon-bilyong piso sa pagitan nina Co at House Speaker Martin Romualdez na agad namang itinanggi ni Romualdez.

Binigyang-diin ni Lacson na binasa ni Guteza ang affidavit sa ilalim ng panunumpa, kaya’t tatanggapin ito ng komite.

Gayunman, kung mapatunayang nagsinungaling siya tungkol sa notarization, maaaring kuwestyunin din ang iba pa niyang pahayag.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag ng senador, hindi dapat madistrak ang imbestigasyon sa pangunahing isyu, at ipapaubaya na lamang nila sa korte sa Maynila ang usapin sa notarization.