MALAY, Aklan — Matapos kilalanin bilang Best Sports Tourism Event sa ika-26 ATOP Pearl Awards, muling magbabalik ang Boracay White Beach Festival para sa ikalawang taon ngayong 2025.
Inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Malay sa pamamagitan ng Municipal Tourism Office ang festival na pormal na nagsimula, bandang alas-9:00 ng umaga ng Lunes, Oktubre 27, 2025 sa Epic Boracay.
Ayon kay Kathrine Licerio, tagapagsalita ng Malay-Boracay Tourism Office, layunin ng selebrasyon na lalo pang palakasin ang sports, kultura, at kalikasan gayundin ang diwa ng wellness at pagsanib pwersa ng komunidad sa paglilinis ng dalampasigan sa tinatawag na long White Beach.
Hinikayat nito ang publiko na makipagtulungan at lumahok sa mga aktibidad upang muling saksihan ang “Philippines’ Grand Winning Sports Tourism Event” na ipinagmamalaki ng Boracay.
Nabatid na maraming sporting events ang maaring magawa sa dalampasigan, kung saan isa ito sa mga binabalik-balikan ng mga turista sa isla.













