-- ADVERTISEMENT --

Pinaiimbestigahan ni Cagayan Governor Edgar “Manong Egay” Aglipay sa insidente ng pagguho at bumagsak na Piggatan Bridge sa Alcala, Cagayan.

Agad na ininspeksyon ni Gov. Aglipay ang nasabing tulay kasama sina Alcala Mayor Tin Antonio, DPWH Assistant Regional Director Rona Ubinia, District Engineer Oscar Gumiran, at PCol. Mardito Anguluan, Provincial Director ng Cagayan Police Provincial Office o CPPO upang agad na makapaglatag ng rerouting plan para sa mga motorista at residente na apektado ng insidente.

Ayon kay Mayor Antonio, 45 taon na ang naturang tulay, ang pinakamatanda sa kanilang bayan, at may limitasyon lamang na 18 tons para sa mga dumadaang sasakyan.

Isa sa mga pangunahing tinitingnang dahilan ng pagbagsak ay ang pagdaan ng apat na magkakasunod na trailer truck na may kargang produktong pang-agrikultura, na umano’y lumagpas sa itinakdang bigat.

-- ADVERTISEMENT --

Kung kayat agad na ipinag-utos ni Gob. Aglipay sa DPWH Region 2 at sa kapulisan ang masusing imbestigasyon sa insidente.

Binigyang-diin niya na kung mapatunayang lumabag sa polisiya ang mga operator at driver ng mga nasabing truck, ay papanagutin ang mga ito sa ilalim ng batas.

Tiniyak naman ng DPWH 1st Engineering District na agad nilang tututukan ang pagsasaayos ng nasirang tulay at makikipag-ugnayan sa Bayan ng Alcala at sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan upang maisagawa ang mga kinakailangang hakbang para sa agarang rehabilitasyon ng bumagsak na tulay.