-- ADVERTISEMENT --

IBAJAY, Aklan — Nagluluksa ang buong bayan ng Ibajay matapos na pagbabarilin ang kanilang bise alkalde na si Julio Estolloso sa loob ng kaniyang tanggapan sa munisipyo, bandang alas-9:15 umaga ng Biyernes, Agosto 8, 2025.

Ayon sa ulat ni P/Major Rajib Salvino, hepe ng Ibajay Municipal Police Station, sinasabing nasa loob ng Sangguniang Bayan session hall si Estolloso nang dumating ang suspek na si SB member Mihrel Senatin.

May hinihingi umano itong kopya sa staff ng lahat ng mga ordinansang naipasa simula sa kanyang pag-upo sa pwesto.

Pagkatapos nito ay hinarap umano niya ang biktima at tinanong kung ano ang kanyang kasalanan dito kasabay ang pagbunot sa kanyang baril at pinaputukan ng anim hanggang pitong beses ang bise alkalde.

-- ADVERTISEMENT --

Nagtamo ng multiple gunshot wounds ang biktima na karamihan ay tumama sa kanyang kaliwang dibdib. May narekober na mga basyo ng bala ng Gloc 17 9mm revolver sa crime scene.

Matapos umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril, nagtakbuhan palabas ang mga empleyado at mga taong nakikipag-transaksyon sa lugar.

Pansamantlang sinuspinde ang pasok ng mga empleyado at kasalukuyang naka-kordon ang buong munisipyo.

Agad na umalis ang suspek na naaresto ng mga miyembro ng Ibajay Municipal Police Station sa kanyang bahay habang isinugod naman sa Ibajay District Hospital ang biktima pero binawian din ng buhay dakong alas-10:23 ng umaga ng Biyernes.

Kasamang nakuha ng mga awtoridad ang baril na ginamit sa krimen na gagamiting ebidensiya.

Samantala, sa kanyang mensahe, nagpaabot ng pakikiramay si Ibajay Mayor Miguel Miraflores sa pamilya ng bise alkalde. Aniya, manananatiling buhay ang legasiyang iniwan ni Estelloso sa paninilbihan nito sa bayan. 

Ang suspek at biktima ay kapwa miyembro ng local political party na Tibyog-Akean.