KALIBO, Aklan — Nagpahayag ng pagkadismaya si Carla Suñer-Doromal, Executive Assistant to the Mayor ng Kalibo, matapos madawit ang kanyang pangalan sa headline ng isang himpilan ng radyo sa Kalibo kaugnay ng ₱110,000 subsidy na nakatala sa 2026 Financial Report ng Kalibo Ati-Atihan Festival Executive Board (KAFEB).
Sa kanyang pahayag nitong Martes ng hapon, Nobyembre 10, 2026, sinabi ni Suñer-Doromal na may nakitang pagkakaiba sa mga petsang nakasaad sa naturang ulat.
Ayon sa kanya, batay sa screenshot ng post ng himpilan ng radyo, 11 indibidwal ang nakatanggap ng tig-₱10,000 na subsidy mula Nobyembre 22 hanggang 24, 2025.
Gayunman, nilinaw ni Doromal na ang mga benepisyaryo ay mga kandidata ng Binibining Kalibo Ati-Atihan 2026, na nakatanggap ng ₱20,000 subsidy bawat isa sa pamamagitan ng dalawang batch ng pamamahagi.
Ipinaliwanag din niya na nagkaroon ng typographical error sa petsang nakasaad sa KAFEB report. Sa halip na Enero 6, 2026, Hunyo 1, 2026 ang nailagay sa dokumento.
Ayon kay Doromal, nagmula sa KAFEB ang pagkakamali at naipaliwanag na rin ito sa committee deliberation ng financial report, kabilang ang paglilinaw kung kanino napunta ang nasabing ₱110,000.
Bilang committee chairperson ng Binibining Kalibo Ati-Atihan, sinabi ni Doromal na ipinagkatiwala sa kanya ang pondo para sa susunod na batch upang siya ang magpa-encash ng tseke at mamahagi ng pera sa mga kandidata.
Dagdag pa niya, may mga litrato at acknowledgement receipts bilang patunay ng pamamahagi ng pera na isinumite rin sa KAFEB.
Sinabi rin ni Doromal na nagbigay ng testimonya sa committee meeting ang mga namahagi at tumanggap ng pera upang malinawan kung kanino napunta ang nasabing halaga.
Samantala, kinuwestiyon ni Doromal ang paraan ng paglalathala ng himpilan ng radyo sa naturang ulat, na tinawag niyang malisyoso at personal na pag-atake laban sa kanya.
Ayon sa kanya, walang sinumang kumontak o nagsagawa ng panayam sa kanya bago inilabas ang report. Binanggit din niyang nawala ang mga komentong nagtatanggol sa kanya sa naturang post.
Binigyang-diin ni Doromal na dapat muna siyang kinontak ng sumulat ng ulat, o kaya ay ang mga tanggapang may kaugnayan sa isyu, upang makuha ang kanyang panig bago ito inilathala.
Dahil dito, tinawag niyang fake news ang naturang report dahil hindi umano kinuha ang kanyang panig bago inilabas ang balita. Via Cherry Mae Llavera













