-- ADVERTISEMENT --

Ipinag-utos ng Malacañang sa Department of Justice (DOJ) at Philippine National Police (PNP) ang pagsisiyasat kay dating Ilocos Sur governor Luis “Chavit” Singson kaugnay ng umano’y panawagan nito sa mga kabataan na sumama sa isang “rebolusyon laban sa korupsiyon.”

Ayon sa Malacañang, may posibilidad na lumabag si Singson sa batas laban sa sedition, na may parusang hanggang anim na taong pagkakakulong sa ilalim ng Revised Penal Code. Ipinunto ng Palasyo na hinihikayat umano ni Singson ang mga mag-aaral, kabilang ang mga menor de edad, na laktawan ang klase upang makilahok sa kilos-protesta.

Iginiit ng Palasyo na nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na managot ang sinumang may kinalaman sa marahas na insidente sa mga naganap na rally, at ipinasa sa DOJ at mga kinauukulang ahensiya ang pagbusisi sa mga pahayag ni Singson.

Nakikipag-ugnayan na umano ang Palasyo kina Interior Secretary Jonvic Remulla, acting PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr., at sa DOJ upang magsagawa ng masusing imbestigasyon sa isyu.