-- ADVERTISEMENT --

SPAIN — Nagsasagawa na ng clearing operation ang disaster response agency katuwang ang mahigit isang libong sundalo sa timog-silangang bahagi ng Espanya matapos ang malawakang pagbaha na nag-iwan ng halos 60 ang nasawi at maraming iba pa ang nawawala.

Ayon kay Bombo International Correspondent Maria Edzel Lopez ng Madrid, Spain na pahirapan ang pagpasok ng mga tulong sa apektadong rehiyon partikular sa Albacete, Valencia, Granada, Almería at Murcia dahil hindi madaanan ang mga pangunahing kalsada dulot ng flashfloods at abot bubong ng bahay na tubig-baha.

Nawala rin ang serbisyo ng high-speed train sa pagitan ng lungsod ng Valencia at Madrid, pati na rin ang ilang commuter lines kung kaya’t may marami ang na-stranded na mga pasahero pauwi at papunta sa kani-kanilang trabaho.

Dagdag pa ni Lopez na sa pagtaya ng mga awtoridad, mahigit isang taon na halaga ng ulan ang bumuhos sa loob lamang ng walong oras at itinuturing na isang hindi pangkaraniwang pangyayari.

Gumamit na rin aniya ang mga rescuer ng drones upang hanapin ang mga nawawala sa bayan ng Letur kung saan ang mga kalsada sa nasabing bayan ay naging mga ilog, ang mga sasakyan, ilaw ng kalye, at mga upuan ay nahatak ng agos ng tubig.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nagpaabot ng pagdadalamhati ang gobyerno ng Espanya sa mga kaanak ng nasawi at tiniyak ang tulong sa mga apektadong mamamayan.