-- ADVERTISEMENT --

Ipinahayag ni Comelec Chairperson George Garcia na hindi siya sasali sa anumang imbestigasyon laban kay Senador Chiz Escudero kaugnay sa umano’y bawal na campaign donation na natanggap noong 2022 elections, dahil dati niya itong naging kliyente.

Inamin ni Escudero na tumanggap siya ng ₱30 milyon mula kay Lawrence Lubiano, presidente ng isang construction firm na may kontrata sa pamahalaan. Ayon sa batas, bawal sa mga kandidato ang tumanggap ng kontribusyon mula sa mga government contractors.

Naglabas ng show cause order ang Comelec para kay Lubiano, ngunit hindi pa ito tumutugon. Samantala, sinabi ni Garcia na ilalabas ng Comelec ang listahan ng mga kumpanyang sangkot sa isyu kapag nakatanggap na sila ng sertipikasyon mula sa DPWH upang matukoy kung alin sa mga ito ang may kasalukuyang kontrata sa gobyerno.