-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan—Inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) Kalibo ang muling pagbubukas ng pagparehistro ng mga botante simula sa Agosto 1 hanggang Agosto 10, bilang paghahanda para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

Ayon kay Atty. Christian Itulid, election officer IV ng Comelec-Kalibo, araw ng Miyerkules, Hulyo 9, 2025, inaprubahan ng Comelec en banc ang bagong schedule para sa voters registration.

Ang orihinal na schedule ng pagparehistro ay Hulyo 1 hanggang Hulyo 11 ngunit ito ay ipinagpaliban matapos ikonsiderang posibleng hindi matuloy ang eleksyon sa Disyembre 1 dahil sa panukala na madagdagan ang termino ng mga barangay officials mula sa tatlong taon papunta sa apat na taon.

Nauna ng inihayag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na walang katiyakan kung matutuloy ang eleksyon ngayong taon.

Sakaling matuloy, maaari aniyang maging problema ang kakulangan ng rehistradong botante para sa Sangguniang Kabataan.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, dagdag pa ni Atty. Itulid na isasagawa ang registration araw-araw kabilang na dito ang weekends at holidays simula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon sa lahat ng mga tanggapan ng Comelec, maliban kung may abisong pagbabago.

Tatanggapin aniya ang mga aplikasyon para sa bagong rehistro, transfer, correction, reactivation, reinstatement ng pangalan, at updating ng records ng mga PWD’s, senior citizen, IP at ICC.

Ang ilang serbisyo gaya ng reactivation ay pwedeng  isumite online sa email ng lokal na election officer.

Muli naman nitong pinaalalahanan ang mga mamamayan na hindi na tatanggapin ang barangay certificate bilang proof of residence upang maiwasan ang iregularidad sa paglipat ng mga botante.