Patuloy ang Commission on Elections (COMELEC) sa paghahanda para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) kahit na ipinagpaliban ito sa Nobyembre 2026 sa ilalim ng Republic Act 12232.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, hinihintay pa nila ang posibleng pagkuwestyon sa legalidad ng batas sa Korte Suprema kaya’t hindi pa sila bumubuo ng Implementing Rules and Regulations (IRR).
Tuloy pa rin ang procurement ng election materials tulad ng ballot boxes, indelible ink, at balota, kasabay ng kasunduan sa National Printing Office para sa pag-imprenta ng mga ito. Sinabi ni Garcia na handa ang Comelec na isagawa ang halalan anumang petsa ito matuloy, at nasa 8 hanggang 8.5 na ang antas ng kanilang kahandaan.
Sa ilalim ng bagong batas, pinalawig din ang termino ng mga barangay at SK officials mula tatlong taon tungong apat na taon.