Posibleng ibalik ng Commission on Elections (Comelec) ang online voter registration o e-registration sa susunod na panahon ng pagpaparehistro, bilang bahagi ng pagsisikap nitong gawing mas mabilis at mas accessible ang proseso para sa publiko.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, dati nang naipatupad ang e-registration at malaki ang tiyansang muling gamitin ito. Sa sistemang ito, maaaring magsumite ng aplikasyon online ang mga botante, ngunit kinakailangan pa ring personal na pumunta sa Comelec office para sa biometrics at panunumpa.
Layon ng hakbang na mabigyan ng mas maraming opsyon ang mga botante, lalo na ang mga hindi kaagad makadalo sa mga registration center.
Kaugnay nito, nagtapos noong Agosto 10, 2025 ang 10-araw na registration period para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na orihinal na nakatakda sa Disyembre 1. Gayunman, dahil sa posibilidad ng pagpapaliban ng halalan sa Nobyembre 2026, inaasahang magbubukas muli ang Comelec ng karagdagang panahon ng pagpaparehistro.