-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Nabuking na tulak ng iligal na droga ang isang construction worker nang makuha sa kanyang posisyon at kontrol ang pitong sachet ng pinaniniwalaang shabu sa ikinasang buy bust operation sa Oyo Torong St., Brgy. Pobacion, Kalibo, Aklan, dakong alas-9:00 ng gabi ng Martes,  Setyembre 9, 2025.

Inaresto ang suspek na si alyas “Ban-Ban”, 30-anyos, residente ng Brgy. Lupo, Altavas nang mabilhan ng P1,000 na halaga ng umano’y shabu ng isang poseur-buyer.  

Ayon kay P/Lt. Col. Jerick Vargas, hepe ng Kalibo Municipal Police Station na nakumpiska pa sa suspek ang karagdagang anim na sachet ng suspected shabu sa isinagawang body search.

Pinaniniwalaang modus lang ng suspek ang pagiging construction worker para hindi maghinala ang pulisya sa iligal nitong gawain.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, aminado naman ang suspek na gumagamit siya ng iligal na droga at sa katunayan, noong nakaraang Sabado lamang ang huli niyang paggamit.

Dagdag pa ni Lt. Col. Vargas na newly identified na tulak ng droga ang suspek na itinuturing na Street Value Individual (SLI) kung saan halos isang buwan nila itong minanmanan.

Sinasabing mula sa Roxas City, Capiz ang supplier ng suspek.

Sa tulong ng komunidad, nalaman ang pagtutulak nito sa naturang lugar.

Aniya, magsisilbing babala ito sa iba pang sangkot sa iligal na droga na hindi titigil ang kapulisan sa pagpapatupad ng batas.

Lalo pa umano nilang paiigtingin ang kampanya kontra iligal na droga na itinuturing na pangunahing sanhi ng krimen at karahasan.

Nakadetine sa detention facility ng Kalibo MPS ang suspek at kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002.