-- ADVERTISEMENT --

Naghain ng not guilty plea si kontratista Cezarah “Sarah” Discaya at siyam na iba pa sa kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y anomalya sa PHP96.5-milyong flood control project sa Abad Santos, Davao Occidental.

Inarraign sa Regional Trial Court Branch 27 sa Lapu-Lapu City si Discaya, ang pangulo ng St. Timothy Construction na si Maria Roma Rimando, at walong opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Batay sa imbestigasyon ng pamahalaan, idineklarang tapos at ganap na nabayaran ang proyekto noong 2022 kahit hindi umano ito umiiral.

Kabilang sa mga akusado ang district engineer at assistant district engineer ng DPWH Davao Occidental, gayundin ang ilang section chief, project engineer, at inspector ng ahensya. Ang kaso ay unang isinampa sa Digos RTC bago inilipat sa Lapu-Lapu City RTC.

Itinakda ng korte ang susunod na pagdinig para sa marking of exhibits sa Enero 27 at ang pre-trial sa Pebrero 3. Inaasahang magsusumite rin ng petisyon para sa piyansa at mosyon para sa joint ocular inspection ang kampo ng isa sa mga akusado.